Madalas na sinasabi na ang kahirapan ay ugat ng kriminalidad. Iminumungkahi ko na tingnan na ang krimen ay nagbubunga ng kahirapan.
Ang direktang nakararanas ng kahirapan ay ang mga biktima ng krimen kung sila ay pinagnakawan, pinagsamantalahan, o sinaktan. Bukod sa kanila, merong pang iba na apektado rin ng krimen bagamat hindi agad-agad na makikita ito.
Ang mataas na antas ng krimen ay magiging dahilan upang lumisan ang mga negosyante sa isang lugar. Bunga nito, nawawala ang mga produkto at serbisyo na maaaring ibigay ng mga negosyo. Dagdag pa dito, nawawala din ang mga trabaho na dating ipinagkakaloob ng mga negosyong ito. Ang mga negosyanteng nagpasiyang manatili ay mapipilitang bawiin ang halagang mawawala bunga ng karagdagang bayad para sa seguridad o insurance bilang proteksiyon laban sa krimen sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto o serbisyo.
Ang halaga ng mga ari-arian ay bababa bunga ng mas maliit na pangangailangan sanhi ng kahirapan na mararanasan ng mga potensiyal na mamimili sa pagkuha ng mortgage loans.
Ang pagkawala ng produktibong gawain ng mga taong namiminsala sa iba ay nagpapababa rin sa "output" ng isang lugar. Kung magkagayon, sa isang lipunan na laganap ang krimen, ang pang-ekonomiyang pinsala na dulot nito ay hindi lamang sa mga direktang biktima nito kundi sa lahat ng mamamayan ng nasabing lipunan.
Kung papaanong mas gumiginhawa ang mga tao sa isang pamayanan na ang malaking bahagi ay mga edukado at mas produktibo, gayundin naman ang mga tao sa isang pamayanan na pinamumugaran ng mga kriminal ay lalong nasasadlak sa kahirapan.
Hindi lamang ang ibang mga tao ang nahihirapan ang buhay bunga ng krimen. Ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga kriminal mismo ay apektado rin. Sila mismo ay pinipinsala ng kanilang mga gawi na gumawa ng krimen. Kung sila ay mahuhuli, gugugulin nila ang kanilang mga taon sa loob ng kulungan sa halip na sila sana ay naghahanap-buhay. Ang kanilang criminal record ay magiging sagabal sa kanila upang makahanap ng trabaho sa hinaharap. Nagkakaroon sila ng saloobin at pag-uugali na makakasama sa kanilang partisipasyon sa lugar ng trabaho. Sa mga kadahilanang nabangggit, isinasadlak ng mga kriminal ang kanilang sarili sa kahirapan.
Ang krimen ay isa sa pangunahing sanhi ng kahirapan.
---0---0---0----
Note: Ito ay salin mula sa artikulo na isinulat sa wikang Ingles ni Roger M. Clites noong Marso 1, 1997 sa Foundation for Economic Education. Ito ay may pamagat ng "Cause and Effect: Crime and Poverty".
---0---0---0---
Hindi pa nagtatagal, madalas nating nababasa na ang mga alagad ng batas ay sangkot sa iba't-ibang uri ng mga krimen. Isang balita ang ating nabasa nitong buwan ng Agosto na may kinalaman sa desiyon ng mga may-ari ng establisyemento sa kamaynilaan tulad ng mga hotel at restaurants na proteksiyonan ang kanilang mga negosyo. Bunga ng pagtaas ng bilang ng krimen, nararamdaman nila ang pagbaba ng kinikita ng kanilang mga negosyo. Dumadalang ang mga turistang bumibisita sa kanilang lugar. Yamang ang mga kapulisan ay lagi na lamang huli o mabagal tumugon sa krimen, kanilang napagpasiyahan na bumuo ng isang pangkat na magbibigay ng dagliang proteksiyon.
Ang ganitong pangyayari ay nakakapinsala sa ekonomiya ng bansa partikular sa industriya ng turismo. Hindi lingid sa ating kaalaman na maraming mga Koreano ang bumibisita sa ating bayan. Itong kamakailan, ilang mga Koreano na rin ang aking nakausap na sila ay nababahala sa seguridad ng kanilang mga kakabayan sa Pilipinas. Bagamat itinuturing nilang magandang pasyalan ang Pilipinas, ayon sa kanila, mas pipiliin pa nilang tumungo na lamang sa ibang mga karatig bansa sa Asya dahilan sa pangamba ukol sa kanilang seguridad.
No comments:
Post a Comment