Wednesday, October 15, 2014

Isang Simpleng Paliwanag Tungkol sa Kahirapan

Matagal ng katanungan ng mga intelektuwal, mga politiko at mga religious leaders kung bakit maraming mga tao ay naghihirap. Iba-iba ang ibinibigay na mga katugunan. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Exploitation o pagsasamantala

2. Kasakiman

3. Slavery

4. Colonialism

Kung uugatin ang mga katugunang ito, iisa lang ang magiging konklusiyon - ang kahirapan ay isang komplikadong suliranin na nangangailangan ng masusing pag-aaral.

Sa totoo lang, simple lang ipaliwanag ang problema ng kahirapan. Halos sa buong kasaysayan ng tao, ang kahirapan ay kakambal na ng sangkatauhan. Nagkaroon lamang ng pagbabago sa kalagayan ng marami simula ng ika-19 na siglo hanggang sa kasalukuyang siglo. 



Ang kahirapan ng isang tao o ng bayan ay maaaring ugatin sa isa o mga pinaghalong kadahilanan:

1. Hindi nila kayang lumikha o gumawa ng maraming mga bagay na binibigyan ng mataas na pagpapahalaga ng iba.

2. Kaya nilang lumikha o gumawa ng mga bagay na binibigyan ng mataas na pagpapahalaga ng iba subalit sila ay pinipigilan para gawin ito.

3. Pinili nila na maging mahirap.

Isa sa popular na pananaw sa pagyaman ng isang bansa ay may kinalaman sa kasaganaan ng likas na yaman. Kung totoo ang pananaw na ito, disin sana'y ang Timog Amerika at Aprika ang pinakamayamang mga kontinente dahil sa kasaganaan ng kanilang likas na yaman. Ang tanong ay bakit sa kabila ng kasaganaan ng kanilang likas na yaman, ang mga pinakamiserableng mga tao ay nakatira sa mga kontinenteng ito? Sa kabilang banda, ang pananaw na ito ay pinasisinungalingan ng mga karanasan ng Japan, Hongkong, at Britanya na salat sa likas na yaman subalit kabilang sa pinakamayayamang mga bansa. 

Isa pang popular na pananaw kung bakit ang isang bansa ay naghihirap ay dahilan sa kolonyalismo. Ayon sa pananaw na ito, ang kahirapan ng mga bansang itinuturing na mga "third-world" ay bunga ng pagsasamantala at pagnanakaw ng mga likas na yaman ng mga bansang nanakop. Kung totoo ito, nakapagtataka bakit ang mga bansang mga dating kolonya tulad ng Canada, Australia, at New Zealand ngayon ay pawang mauunlad na? Ang Hong Kong na dating kolonya ng Britanya ay isa sa pinakamayamang bansa sa Malayong Silangan. Sa kabilang banda naman, ang mga bansang hindi nakaranas ng pananakop o kung nakaranas man ay napakaikling panahon lamang tulad ng Ethiopia, Liberia, Tibet, at Nepal ay maituturing na mga pinakamahihirap na mga bansa.

Ang isang nakalulungkot na katotohanan ay maraming mga bansa sa Aprika ang dumanas ng ibayong kahirapan simula ng sila ay magkamit ng kalayaan. Higit na maayos ang kanilang kalagayan sa ilalim ng kolonyal na pamamahala. Hindi natin nasaksihan sa ilalim ng mga kolonyal na pamamahala ang mga hindi maisalarawan na mga pang-aabuso sa karapatang pantao na nasasaksihan sa Burundi, Uganda, Zimbabwe, Sudan, at Somalia (Hindi ko sinasang-ayunan ang pagsasalaysay na ito ng may-akda sa dahilang maraming mga katibayan na nagpapatunay sa mga kahalintulad na pang-aabuso ng mga kolonyal na pamahalaan). 

Ang sinumang ekonomista na nagsasabi na alam niya ang buong sagot ukol sa mga sanhi ng kasaganaan ay dapat na pagdudahan. Hindi natin lubusang nalalaman kung bakit may mga lipunan na mas maunlad kaysa sa iba. Gayunpaman, maaari tayong bumase sa kaugnayan ng tatlong mahahalagang mga sangkap:

1. Sistema pang-ekonomiya

2. Karapatang pantao

3. Kinikita ng bawat tao

Sa sistema pang-ekonomiya, ito ay maaaring isailalim sa kategorya na mas kapitalista o mas komyunista. Mas kapitalista kung mas malaki ang sektor ng malayang pakikipagkalakalan. Mas komyunista kung mas malaki ang impluwensiya ng pakikialam ng pamahalaan at sentralisadong pagpaplano. 

Makatutulong ang Amnesty International upang malaman ang ranggo ng mga bansa ayon sa antas ng pag-abuso sa mga karapatang pantao. 

Sa World Bank income statistics naman ay matutunghayan ang mga ranggo ng mga bansa mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa na kinikita ng mga tao. 

Pag pinag-ugnay ang mga impormasyon mula sa tatlong talaang ito, ating mapapansin ang kaugnayang ito: Ang mga bansa na higit ang kalayaang pang-ekonomiya ay higit na malakas ang proteksiyon sa mga karapatang pantao, at ang mga mamamayan ng mga bansang ito ay mas nakagiginhawa. 

Isang paraan ng pagsukat sa karapatang pantao ay ang pagsusuri kung hanggang saan pinoproteksiyonan ng pamahalaan ang kusang-loob na pagpapalitan at pribadong ari-arian. Ang sistema ng ekonomiya na nakabase sa pribadong ari-arian ay nagbibigay ng kakaibang insentibo kaysa sa sistema ng ekonomiya na nakabase sa kolektibong ari-arian. 

Yamang hindi pinahahalagahan ng mga collectivists ang pribadong ari-arian, mainam na ito ay ating suriin kahit bahagya lang. Kung ang karapatan sa ari-arian ay pribado, ang mga gastusin at mga pakinabang ng mga pagpapasiya ay nakatuon sa indibidwal na nagpasiya. Sa kabilang banda naman, kung ang karapatan sa ari-arian ay kolektibo, ang mga gastusin at mga pakinabang ng mga kapasiyahan ay kumakalat sa buong lipunan. Halimbawa, ang ekonomiya na nakabase sa pribadong ari-arian ay nagtutulak sa mga may-ari ng bahay na kanilang isa-alang-alang ang kanilang mga kasalukuyang desisyon sa maaaring maging epekto nito sa halaga ng kanilang mga tahanan sa hinaharap. Ito ay sa dahilan na ang halaga ng kanilang tahanan ay nakabase kung gaano pa tatagal ang serbisyo ng kanilang tahanan. Sa ilalim ng pribadong pag-aari, ang may-ari ng tahanan ay magiging responsable sa kaniyang mga desisyon upang mapangalagaan ang kaniyang tahanan.

Sa ilalim ng kolektibong pag-aari, iba ang magiging resulta. Kung pag-aari ng pamahalaan ang tahanan, ang isang indibidwal ay may mababang insentibo na ito ay pangalagaan sa kadahilanan na hindi siya ang lubusang makikinabang sa kaniyang mga pagpapagal. Kapwa ang bunga ng kaniyang pagpapagal at gastusin bunga ng pagpapabaya ay ikinakalat sa buong lipunan. 

Ang pagbubuwis sa pribadong ari-arian ay may ganito ring epekto. Pinapahina nito ang panlipunang responsibilidad. Kung ang pamahalaan ay magpapataw ng 75% buwis sa isang tao na nagbebenta ng kaniyang tahanan, papababain nito ang kaniyang insentibo na gamitin ito ng matalino.

Ang argumentong ito ay maaaring ilapat sa lahat ng mga gawain, kasama ang pagtatrabaho at pamumuhunan. Ang anuman na nagpapababa sa tubo o nagpapataas ng gastusin ng puhunan, sa una pa lang, ay nagpapababa rin sa insentibo na gawin ang pamumuhunan. Ito ay maaaring ilapat kapwa sa pantao at pisikal na kapital, mga gawain na nagpapataas sa produktibong kapasidad ng mga indibidwal. 

Sa makabuluhang antas, ang kayamanan ng mga bansa ay nakasalalay sa mga mamamayan nito. Ang pinakamainam na halimbawa ay ang mga bansang Hapon at Aleman. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, halos nawasak lahat ang yaman ng dalawang bansang ito. Subalit ang pantaong kapital ay nanatili, ang kanilang mga kakayanan at edukasyon. Sa loob lamang ng dalawa o tatlong dekada, ang Japan at Germany ay kapwa muling bumalik bilang mga bansang may malalakas na puwersang pang-ekonomiya. 

Ang tamang pagkilala sa mga sanhi ng kahirapan ay lubhang napakahalaga. Kung ang paniniwala ng marami na ito ay bunga ng pagsasamantala at kasakiman, ang patakarang pang-ekonomiya na lilitaw sa ganitong pananaw ay ang muling pamamahagi ng mga kita, na ang ibig sabihin ay pagkumpiska ng pamahalaan sa "mga yamang kinuha sa masamang paraan" at "pagsasauli" nito sa mga tunay na may-ari. Ito ang politika ng pangingimbulo o pagkainggit. Nangangahulugan ito ng papalaking programa pantulong sa mga nangangailangan o mas kilala sa tawag na "welfare program".

Kung tama ang pagtingin sa sanhi ng kahirapan na walang iba kundi ang labis na pakikialam ng pamahalaan at kakulangan ng produktibong kapasidad, ang tiyak na magiging bunga nito ay paglitaw ng mga mabibisang patakaran. 




Note: Ito ay salin mula sa artikulo na isinulat sa wikang Ingles ni Walter E. Williams noong Abril 21, 2011 sa Foundation for Economic Education. Ito ay may pamagat na "Poverty Is Easy to Explain".

No comments:

Post a Comment