Thursday, October 9, 2014

Corruption and Suggested Solution

In a Facebook group, which main purpose is to combat corruption, the group admin asked a question about the origin of corruption and the way to solve it. In this article, I just want to share my response to that inquiry. I wrote it mostly in Filipino.


---0---0---0---

Outline of my Response

  • Isang maikling paglingon sa nakaraan ukol sa kalagayan ng Pilipinas at paglalapat nito sa kasalukuyan

  • Isang maikling pagtinging pilosopikal sa katutubong katangian ng pamahalaan

  • Pagtinging pilosopikal sa kapangyarihang politikal at korapsyon

  • The Filipino Politician

  • Mga talata sa Biblia 

  • Saan dapat magsimula? 

  • Mga mungkahing listahan ng mga aklat na magandang basahin 


---0---0---0---

# 1 - ISANG MAIKLING PAGLINGON SA NAKARAAN AT PAGLALAPAT SA KASALUKUYAN

Sa kasaysayan, sa panulat ng ating pambansang bayani na "The Philippines A Century Hence", nabanggit niya ang 3 mga pananaw ukol sa kalagayan ng mga Pilipino sa loob ng 300 taon at sa paglipas nito. Para sa mga Kastilang liberal, walang pagbabago. Para sa mga prayle, nagkaroon ng progreso at napalaya ang mga Pilipino sa pagka disibilisado. Subalit para sa higit na nakararami, kapinsalaan bunga ng pagkabusabos. 

Ang ganitong kalagayan ay nagbukas sa isipan ng marami na ang pamahalaang kastila ay hindi maaaring pagkatiwalaan at nais lamang nito na panatilihin ang bayan sa pagiging sanggol magpasawalang hanggan para sa pansariling kapakinabangan. Kaniyang napagtanto na siya ay hindi lamang pinagkakaitan ng wastong pagkain, bagkus ay nilalason upang mapigil ang kaniyang paglaki. At ito ay ginagawa sa iba't-ibang mga kaparaanan.

Ilan sa mga paraan na ginagamit ng pamahalaang kastila sa pagpigil sa pag-unlad ng bayan ay ang mga sumusunod: pagmamalupit sa masa sa pamamagitan ng simbahan, maling pangangasiwa ng edukasyon ng mga kabataan at mga depektibong aklat-aralin na ikinasusuya ng mga mag-aaral, pagpapanatili sa mga Pilipino sa kamangmangan sa pamamagitan ng mga ordinansa ng simbahan, pagpapahirap sa bayan, unti-unting paglipol sa mga mamamayan, at pagpapasimuno ng mga sigalot.  

Sa maikling pagtanaw sa nakaraan, 2 bagay ang ating mapapansin:

1. Ang kawalan ng kalayaan ay nagdulot ng malaking kapinsalaan.

2. Walang inisip ang pamahalaang kastila kundi ang sariling kapakinabangan. 

Mainam na pag-isipan natin sa papaanong paraan nananatiling angkop ang mga pangyayaring ito sa kasalukuyan. 

Una, ukol sa kaugnayan ng kalayaan at kapinsalaan. Maituturing na ang Pilipinas ay malaya sa larangan ng politika at kultura. Subalit malaya ba ang mga Pilipino pagdating sa ekonomiya? 

Ayon sa Freedom Barometer Asia 2013, ang mga variables para sukatin ang economic freedom ng isang bansa ay ang mga sumusunod: "security of property rights; size of government; regulation of credit, labour, and business; and, freedom to trade internationally." Nakalulungkot lang, dahil hindi nila isinama yong variable na "access to sound money" na sa tingin ko ay lubhang napakahalaga. Sa 17 mga bansa sa Asya, ang Pilipinas ay pang 8. Nangunguna ang Japan at nasa hulihan ang North Korea. Sa buong mundo naman, batay sa 2014 Index of Economic Freedom, ang Pilipinas ay pang 89. 

Ano ang kahalagahan ng mga impormasyong ito? Ayon kay Dr. John V. C. Nye, ang mga pangunahing problema ng Pilipinas ay may kinalaman sa presyo ng bilihin, hindi maaasahang "property rights and contracting", nakakasakal na bureakrasya, mga polisiya na "anti-investment" at "anti-competitive", at politikang pinapaboran ang pinakasamang paghahalo ng "populism", "elite rent-seeking", at "high-minded but unproductive nationalism". Ito ay base sa lecture niya na ang paksa ay "Why Quantitative Easing was good and should be better...and how the Philippines should benefit from it." Kung tama si Dr. Nye, malaki ang papel ng bureakrasya at mga anti-investment policies sa korapsiyon na siyang nagiging sagabal sa realization ng economic freedom ng mga Pilipino. 

Kung magkagayon, napakagandang makita na magkaroon ang Pilipinas ng mga statesmen na ang advocacy ay labanan ang ideyolohiya at mga pwersa na humahadlang para makamtan ang economic freedom. 

Ikalawa, ang pamahalaang kastila ay bahagi na ng nakalipas. Tayo ay pinamamahalaan na ng mga kapwa natin mga Pilipino. Subalit, bakit sa kabila na kapwa natin mga Pilipino ang namumuno sa atin, ay hindi pa rin natin makamtan ang ina-asam-asam na pagsulong? Baka naman nagpalit lang ang lahi na nanungkulan sa atin subalit nanatili pa rin ang pansariling interes? At marami tayong mga katibayan sa puntong ito na may mga politiko at mga bureakratiko na mahirap ipaliwanag ang kanilang dagliang pagyaman.  

---0---0---0---

# 2 - PAGTINGING PILOSOPIKAL SA KATUTUBONG KATANGIAN NG PAMAHALAAN

Isang angulo na maganda ring tingnan ay ang may kinalaman sa ating saligang pagkaunawa sa tungkulin ng pamahalaan sa buhay ng mga mamamayan. Ang edukasyon ay pangunahing tungkulin ng pamilya at ang welfare naman sa kasaysayan nito ay ginagampanan ng mga pribadong sektor lalo na ng simbahan. Sa paglipas ng panahon, habang lumalaki ang Estado, lumalaki rin ang saklaw nito sa buhay ng tao na dati rati ay nasa kontrol ng mga pribadong mamamayan. Upang tustusan ang papalaking gastusin ng Estado, karagdagang buwis ang kailangan na ang ibig sabihin ay paglipat ng pananalapi mula sa kamay ng mga mamamayan tungo sa kamay ng pamahalaan. At dahil sa labis-labis ang pananalapi na dumadaan sa kamay ng pamahalaan, marami sa mga politiko at mga bureaukratiko ay natutuksong nakawin ang mga ito na nagbubunga ng kakulangan ng pondo para sa mga lehitimong tungkulin ng gobyerno tulad ng pagpapa-iral ng katarungan at pagbibigay ng proteksiyon sa buhay, kalayaan, at pribadong ari-arian ng mga mamamayan. Malaking kapinsalaan sa pananalapi ng mga mamamayan ang idinudulot ng isang pamahalaan na nais saklawan ang mga gawain na labas sa kaniyang lehitimong tungkulin. Maganda sanang makakita ng masusing pag-aaral sa epekto ng papalaking gastusin, paglaki ng pamahalaan at malaking buwis sa pagbabago ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.

---0---0---0---

# 3 - PAGTINGING PILOSOPIKAL SA KAPANGYARIHANG POLITIKAL AT KORAPSIYON

Wika ni Lord Acton, "Power tends to corrupt and absolute power corrupts absolutely." 

Ilang bagay ang nais kong pansinin sa quotation na ito. Una, bakit nasabi ni Lord Acton na ang kapangyarihan ay may kakayanan na gawing corrupt ang isang tao? Ito ay matamang sinuri ni Leonard E. Read sa artikulong "On Power and Corruption". Binanggit niya na maraming klase ng kapangyarihan kung kaya marami ring klase ang corruption. Pero sa lahat ng ito ang political power daw ang pinakamapanganib at ito ay bunga ng mga sumusunod na kadahilanan:

1. "Collective Irresponsibility". Ang ibinigay niyang halimbawa ay ang pagkakaroon ng personal na baril. Ang pagkakaroon ng sariling baril ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kapangyarihan subalit ito ay hindi mag-uudyok sa isang indibidwal na gumawa ng karahasan. Ipagpalagay na natin na ang taong ito ay likas na maawain sa mga mahihirap, hindi ibig sabihin na dahil siya ay may baril ay gagamitin niya na ito upang maging isang holdaper para lang magkaroon ng pera na maipantulong sa mahirap.

Subalit nag-iiba ang situwasyon pag ang mga taong ito ay na-organisa bilang isang kolektibong politikal. Ang dati rati na responsable at may prinsipiyo ay bigla na lamang nagbabago. At ang halimbawang nabanggit ni Read ay may kinalaman sa paghimok ng isang kolektibong politikal sa pamahalaan na buwisan ang mga hindi kilalang Pedro upang bigyan ng tulong na salapi ang kanilang mga napiling Pablo.


2. "Shifting the Blame". Papaanong nangyari na niyayakap ng isang tao ang isang pamamaraan sa kolektibong pagkilos na kinamumuhian niyan sa pribadong pagkilos? Bakit biglang nagkaroon ng dalawang pamantayan ng moralidad? Bakit ang pagkakaroon ng baril ng isang indibidwal ay hindi nagiging sanhi ng corruption subalit nahuhulog dito ang indibidwal pag ito ay naging bahagi na ng kolektibong pagkilos?

Isang dahilan na nabanggit ni Read ay ang kathang-isip na ang isang gawain na itinuturing na masama kung ginagawa ng isang indibidwal subalit maaaring ituring na mabuti kung ito ay sinasang-ayunan ng nakararami. 

Ikalawang dahilan ay ang pag-iisip na mapapawalang-sala ka pag ginawa mo ang isang bagay hindi sa ilalim ng iyong pangalan, kundi sa pangalan ng sangkatauhan, lipunan, o kapakanan ng nakararami. Sa pamamagitan ng ganitong kaisipan, makaiiwas ang isang tao sa kaniyang personal na responsibilidad. Siya ay nagiging "anonymous" sa likod ng kolektibong pagkilos.

Maaaring sa legal na pagtingin, ang ganitong indibidwal ay mapawalang-sala, subalit hindi sa pamantayang moral. Ang batas ay makapagbibigay ng kalayaan sa kaparusahan at maaaring gamitin na pantakip sa isang lantarang corruption.  

3. "The Real Source of Corruption". Hindi maaaring magkaroon ng corrupt na pinuno na walang pinagmumulan: maraming bilang na mga corrupt na mamamayan. Nagiging corrupt ang isang politiko dahilan sa pagsangguni sa nakakarami na ang tahasang kahilingan ay gamitin ang kapangyarihan ng pwersahan.

4. "The Sin of Silence by Those Who Know". Ang pananahimik ng mga taong nakababatid ng isang masamang pangyayari ay nangangahulugan ng pagsang-ayon at ito ay nagiging sanhi rin ng paglaganap ng korapsiyon. 

---0---0---0---


# 4 - THE FILIPINO POLITICIAN

Sa aklat na " The Filipinos in the Philippines", binanggit ni Renato Constantino ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagiging corrupt ang isang politiko 

1. Kawalan ng pribadong buhay at oras sa pag-aaral

2. Mababang sahod subalit mataas na antas ng pamumuhay 

3. Ang pagkahilig na ibigay ang kagustuhan ng lahat


4. Ang motibasyon na manatili sa kapangyarihan at gamitin ang kaniyang posisyon upang maging daan sa pagyaman.

5. At ang pananaw ng mga mamamayan sa politiko. 

---0---0---0---


# 5 - MGA TALATA SA BIBLIA

Kung babasahin niyo ang 1 Samuel 8: 10-18, matutunghayan niyo na 5x binanggit ang phrase na "He will take. . . ." na tumutukoy sa kapangyarihan ng Hari. "He will take your sons. . . .", "he will take your daughters. . . .", "he will take the best of your fields. . . .", "he will take a tenth of your grain. . . .", and "he will take a tenth of your flocks. . . ." The power of the king is the power to take. This refers to the power of taxation. At ang sukdulang resulta ng kapangyarihan ng Estado na kunin ang pag-aari ng mga mamamayan nito ay nakasaad sa talatang 18: "When that day comes, you will cry out for relief. . . ." Ibig sabihin darating ang panahon na ang mga mamamayan ay lubhang mahihirapan na tustusan ang gastusin ng palasyo at sila ay dadaing sa Diyos.  

Bagamat sa kasalukuyan bihira na sa mga bansa na monarkiya ang umiiral na pamahalaan, subalit, ang prinsipiyo ng taxation ay hindi nagbabago at sa halip may mga bansa na tulad ng Pilipinas na ang buwis ay higit pa sa 10%. Karamihan sa mga mamamayan ay hindi nakikita ang kaugnayan ng malaking buwis sa pagbaba ng antas ng kanilang pamumuhay. 


Sa 1 Kings 12: 1-19, mababasa natin na malaki ang naging papel ng pagbabayad ng buwis sa pagkahati ng bansang Israel pagkatapos ng kamatayan ni Haring Solomon. Kung tama man o mali ang karaingan ng mga Hudyo nang panahong yan ay nangangailangan ng mas masusing pag-aaral. Sapat na sa puntong ito na ating pansinin na tinawag ng mga Hudyo na "heavy yoke" ang mataas na buwis na kanilang binabayaran. Ang kahilingan nila kay Haring Rehoboam ay pagaanin ang kanilang pasanin. Subalit hindi nakinig ang hari sa payo ng mga matatanda na naglingkod sa kaniyang ama, at sa halip ay sinunod niya ang payo ng mga kabataang lalake na naglilingkod sa kaniya. Sa madaling salita, sa halip na bawasan ang buwis ito ay lalo pang pabibigatin na naging dahilan ng paghihimagsik ng 11 tribo. 

---0---0---0---

# 6 - SAAN DAPAT MAGSIMULA? 

Ang suliranin ukol sa korapsiyon ay maaaring tingnan sa iba't-ibang mga angulo. Tatlo sa mga angulong ito ay ang institusiyonal, personal, at kampanya pang-edukasyon. Ukol sa institusiyonal na pagtingin, ang mungkahi ko ay masusing pag-aralan ang aklat na "Bureaucracy" na sinulat ni Ludwig von Mises noong 1944. 

Ukol sa personal, nagsisimula ang lahat sa pag-iisip ng isang indibidwal. Hindi natin maaaring pakialaman ang isip ng iba sapagkat hindi naman natin lubusang nalalaman ang kaniyang kalagayan. Kung ang ating sarili nga ay hindi natin lubusang maunawaan, ang iba pa kaya? Iwasan ang kahinaan na gusto mong ituwid ang pag-iisip ng iba at tanggapin ang iyong limitasyon. Wala tayong magagawa para matakasan ng iba ang korapsiyon na kanilang kinabagsakan. Ang pinakamainam na magagawa ng isang indibidwal ay pag-aralan niya at sanayin ang kaniyang sarili papaano mapagtagumpayan ang korapsiyon. Kung magtagumpay siya dito, ibahagi niya ang kaniyang karanasan sa mga taong may kahalintulad na mithiin. Ang mahalagang punto ay ang pananaw na ang responsibilidad ko ay ang aking sarili. Sa aking pagtupad sa tungkuling ito, napaglilingkuran ko rin ang aking kapwa. 

Pagdating naman sa kampanyang pang-edukasyon, ang layunin ay ang pagkakaroon ng isang intelektuwal na kilusan. Pag-aralan ng masusi ang mga teorya pang-ekonomiya at mga paksa na may kinalaman sa free market, limited government at personal and economic freedom. Pagkatapos na ito ay pag-aralan, ibahagi ito sa publiko. Kung may kakayanan sa pananalapi, mainam tustusan ang pagpapalaganap ng mga aklat na may kinalaman sa mga paksang ito sa mga kolehiyo at mga unibersidad. Pag naging matagumpay ang ganitong uri ng intelektuwal na kilusan, ito ay magsisilbing saligan ng isang maunlad at mapayapang lipunan. 

Higit sanang mainam kung meron tayong mga politiko na tunay na mga "statesmen" na ayon kay Lawrence E. Reed ay nagtataglay ng mga sumusunod na katangian: 

1. Tinatayuan niya ang isang pangarap base sa prinsipiyo, hindi base sa kung ano ang gusto ng nakararami

2. Siya ay patuloy na nagsasaliksik sa katotohanan at handang gawin kung ano ang tama hindi kung ano ang popular sa kasalukuyan

3. Malinaw ang kaniyang posisyon sapagkat "he says what he means and means what he says."

4. Itinataas niya ang antas ng pampublikong talakayan sapagkat batid niya kung ano ang kaniyang mga sinasabi.

5. Hindi siya nakikilahok sa "class warfare" o iba pang mga pamamaraan upang paghiwalayin ang mga mamamayan. 

6. Sinusukat niya ang kaniyang tagumpay sa kaniyang tungkulin hindi lamang sa mga batas na kaniyang naipasa, kundi sa mga batas na kaniyang napawalang bisa o tinanggihan.

7. At higit sa lahat, hindi niya ginagamit ang buwis para bilhin ang boto ng mga mamamayan.

---0---0---0---


# 7 - MGA MUNGKAHING LISTAHAN NG MGA AKLAT NA MAGANDANG BASAHIN

1. Economics in One Lesson by Henry Hazlitt

2. The Law by Frederic Bastiat

3. Economic Policy: Thoughts for Today and Tomorrow by Ludwig von Mises

4. Pillars of Prosperity: Free Markets, Honest Money, Private Property by Ron Paul

5. Bureaucracy by Ludwig von Mises

No comments:

Post a Comment