Monday, June 9, 2014

Nakabubuti ba sa ekonomiya ng bayan ang papalaking gastusin ng pamahalaan?

Ang mga politiko ay walang sawa sa pagbibigay ng mga pangako sa taum-bayan na kanilang wawakasan ang kahirapan. Upang maisakatuparan ang adhikaing ito, ang nakikitang lunas ay ang paglobo ng budyet ng pamahalaan. Halos lahat ng mga Pilipino ay naniniwala sa nasabing programa.



Tungkulin ng pamahalaan na proteksiyonan ang buhay, kalayaan, at ari-arian ng mga mamamayan. Upang magampanan ang tungkuling ito, ang pamahalaan ay kinakailangang mangolekta ng buwis. Ang paggamit ng buwis ng bayan para sa mga mithiing ito ay maituturing na lehitimo. 

Kung gagastusin ng pamahalaan ang buwis ng bayan labas sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga mamamayan, at bagkus ay para sa ibang mga layunin na hindi saklaw ng kaniyang lehitimong tungkulin, kinakailangan ng pamahalaan na lumikom ng karagdagang pananalapi. Maaari silang makakuha ng naturang mga pondo sa pamamagitan ng isa o higit pa sa tatlong iba't ibang mga pamamaraan: maaari silang mangolekta ng karagdagang buwis, maaari nilang utangin ang mga naipon ng mga pribadong mamamayan, o maaari silang mag-imprenta ng karagdagang pera na kanilang kinakailangan. Karamihan sa mga pamahalaan ay ginagamit ang lahat ng tatlong mga kaparaanan.

Sa paglobo ng budyet ng pamahalaan sa pamamagitan ng pag-utang sa ipon ng mga mamamayan o karagdagang buwis, inililipat lamang nito ang kapangyarihan ng paggasta mula sa mga pribadong may-ari at kumikita ng pera tungo sa kamay ng mga politiko na nakaupo sa kapangyarihan. Ang ganitong pamamaraan ay walang nalilikhang bagong yaman. Binabawasan nito ang salapi na maaaring gastusin ng mga pribadong mamamayan habang itinataas naman ang salapi na maaaring gastusin ng pamahalaan.

Dahilan sa lumiit ang salapi sa bulsa o ipon sa bangko, dapat bawasan ng mga pribadong indibidwal at mga korporasyon ang mga halaga ng kanilang gastusin o pamumuhunan. Mas kakaunti ang mga produktong kanilang mabibili at mas kaunting mga manggagawa ang mabibigyan ng hanapbuhay. 

Ang perang ginugol ng pamahalaan ay hindi maaaring lumikha ng anumang higit pang mga trabaho o makagawa ng anumang higit pang yaman kaysa sa maaaring gawin ng mga pribadong tao. Sa katunayan, ito ay lumilikha ng mas kakaunti sa dahilan na bahagi ng nalikom na buwis ay mapupunta sa bulsa kapwa ng mga maniningil at gagastos ng buwis. Ang kanilang trabaho ay walang idinagdag sa kayamanan ng lipunan. Ang paglilipat ng pera mula sa mga pribadong mamamayan tungo sa kamay ng mga politikong gagastos nito ay walang pagsalang magbubunga ng mas kakaunting mga produktibong trabaho, at samakatuwid ay mas maliit na bilang ng mga kalakal at mas mataas na presyo ng mga bilihin kaysa sa kung ang pera ay naiwan sa mga pribadong kamay. Anumang pagbaba sa bilang ng mga kalakal at serbisyo sa merkado ay magdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at kung magkagayon ay nabawasan ang kasiyahan at antas ng pamumuhay ng bawat mamimili 

Binabago ng paggasta pampulitika ang buong balangkas ng produktibong pwersa ng isang bansa. Kung gagamitin ng pamahalaan ang buwis na nalikom bilang pantulong sa isang pangkat na nabigyan ng pribilehiyo, ang mga produktibong kagamitan ng bansa ay naibaling upang bigyan ng kasiyahan ang mga kagustuhan ng pangkat na nabanggit sa halip na ang kagustuhan ng mga taong orihinal na kumita ng pera. Pinahihintulutan ng sistemang ito na bigyan ng mga politiko ng pabor ang kanilang mga kaibigan, at nagbibigay kasiyahan at kasaganaan sa mga hindi produktibo at kapinsalaan sa mga produktibo. Sa bandang huli, ang resulta nito ay pagbawas sa produksyon ng yaman ng bayan.

Batay sa pagsusuring ito, ang paglobo ng gastusin ng pamahalaan ay nakakapinsala sa kabuuang produksyon at kasiyahan ng mga mamamayan. Ang buwis ay bunga ng dugo at pawis ng mga produktibong mamamayan at ito ay nararapat lamang na gamitin para sa pangangalaga ng buhay, kalayaan at pribadong ari-arian. Kung ang buwis ay limitado, ito ay nakakatulong at nagpapasigla sa kabuuang produksyon at kasiyahan ng mga mamamayan. Kung babawasan ng pamahalaan ang mga buwis at paggastos, ito ay mag-iiwan ng higit na malaking pera sa pribadong kamay upang magamit sa produksiyon ng karagdagang bilang ng mga kalakal, kasiyahan para sa mga mamimili, upang makapagbigay ng karagdagang mga trabaho at mas mataas na sahod sa mga manggagawa. 




Note: 

Ang artikulong ito ay batay sa sinulat ni Percy L. Greaves, Jr ng Ludwig von Mises Institute. Sadyang inalis ang mga detalye na sa tingin ng tagasalin ay hindi angkop para sa mga mambabasa na nasa kaniyang isipan. Ang orihinal na artikulo ay sinulat ni Greaves noong Agosto 27, 2009 na pinamagatang "Does Government Spending Bring Prosperity?"

No comments:

Post a Comment